Blast from the past.
========
Isang Untitled Piece
Ni: Ben Pho
Sayang naman ang oras kung mamroblema tayo masyado ngayon, tapos bukas pala ay patay na tayo.
Hindi ko gustong manakot. Sana lang ay huwag nating gawing trabaho ang pagiging tao. Hindi obligasyon ang buhay. Regalo ‘to, kaya dapat ang bawat segundo ineenjoy. King masaya tayo sa ngayon, huwag na lang tayo mamroblema kung kailan kaya tayo mabibigyan ng mabigat na krus. Matuto naman tayong magpasalamat. Kung mahirap naman ang buhay, magsumikap tayong ayusin ito at iasa na lang ang mga bagay na di na magagawan ng paraan sa Diyos. Ganyan lang…pag nang-aasar ang buhay, dapat di tyo pikon, matuto tayong mamilosopo.
Oo, madali itong sabihin para sa akin, dahil naging mabait ang buhay sa akin. Pero minsan, napapaisip ako: kung ayaw ng Diyos na masaktan ang mga anak Niya, bakit madming mahirap sa mundo, bakit araw-araw ilang inosente ang napaptay ng sakit o ng kapwa tao, bakit madaming nabibilanggo ng walng sala?
May sistema ba ng raffle sa langit—‘pag nabunot ang pangalan mo ay seswertihin ka sa lupa, at pag hindi naman ay…sorry ka na lang?
Sa gitna ng problema, paalalahanan mo lang ako ng ganito: “Mahal ka ng Diyos, napakabait Niya at kailanma’y di ka pababayaan” ay madali akong maniniwala sa iyo. Pero paano mo ito sasabihin sa iisang taong nakabilanggo at tuluyang iniwan na ng asawa’t anak? Sa isang lalaking kasing edad mo, ngunit nang kaka-graduate pa lang sa high-school ay napiit na sa Munti’ dahil nakapatay ng kapwa estudyante sa isang ramble?
Ano ang kabuluhan ng mga salitang “Mahal ka ng Diyos” sa mga batang lansangan na ang tanign paraan upang makakain ay ang manlimos? SA isang taong nalaman na di matatapos ang tatlong buwan at kailangan na siyang pagawan ng magandang damit na pamburol at mamahaling kabaong?
Hindi ko alam.
Minsa’y naisip kong dispalinghado magbigay ng sentensya ang buhay. Nakaklungkot dahil lalong napapatingkad ang ating mga kasuwertehan sa buhay kapag nakikilala natin ang mga kapwa nating minalas.
Madumi man ang lansangan, masuwerte pa rin tayo at malaya tayong kakagala dito. Wala man tayong pera para mag-Chocolate Kiss or Barrio Fiesta araw-araw, buti na lang at nakakakain pa rin tayo ng maayos. Hindi man malaki ang kita’ natin, buti na lang at di ito kailangan gastusin sa mga mamahaling gamot at espesyalista.
Pero teka, ano ito? Ibig sabihin ba’y liligaya tayo dahil sa kapahamakang sinapit ng ibang tao? Makikita lang ba natin na swerte tayo dahil sadyang minalas ang iba?
Totoo na pinagtrabahuhan din natin ang kung ano mang ligayang tinatamasa natin ngayon. AT ang hirap na dinaranas ng iba ay bunga ng sarili nilang pagkakamali…pero hindi rin natin matanggal na ang iba ay nabigyan ng ligaya o pasakit higit sa sukat ng pagsusumikap o kasalanang ginawa nila.
Babalik pa rin tayo sa unang tanong, paano natin ipamumkha sa mga taong ito an mayroon ngang Diyos? Sapat na ba ang ipagdasal ntin sila? Ang dalawin sila paminsan-minsan at bigyan ng donasyon?
Hindi ko rin alam.
Kung sabihin mong “Habang may buhay may pag-asa” matutuwa kaya ang mga taong ito, gayong magiging mas matamis pa siguro para sa ilan sa kanila ang mamatay at iwan na ang mga paghihirap ng sinumpaan nilang mundo?
Hindi ko talaga alam.
Nakakita na ako ng mga taong gaya ng nabanggit ko kanina. At nang makilala ko sila, naisip kong bigla, “Ang kapal ng mukha kong magreklamo sa aking buhay.” Paano ba talaga sinusukat ng Diyos kung sino ang may karapatan lumigaya, kung sino ang malayang makakaasa, kung sino ang buong-pusong makakapaghayag ng pagmamahal niya?
Ayaw kong sayangin ang oras ninyo sa pagbabasa ng article na ito…pero uulitin ko pa din, hindi ko talaga alam.
Kung bahagi man tayo ng porsyentong “sinwerte” sana’y sikapin nating maabot iyong mga kapatid nating “minalas” sa buhay—hindi upang inggitin sila, kundi upang sa kahit ilang sandali ay madama nila ang pagmamahal ng Diyos.
Lahat ng bagay na nangyayri ay may rason—ito, nasisiguro ko. Kung paano natin magagawa ang buhaying ang pag-asa sa mg taong ito, hindi ko lubos na nasisiguro. Ngunit ang lahat marahil ay nagsisimula sa pagkamulat at pagtanggap ng katotohanang ang bawat isa sa atin ay may kakayahang magmahal, gumawa ng kabutihan, at bigyan ng mukha ang Diyos dito sa lupa.
Hindi ito imposible, ito ang alam ko.
Monday, August 15, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment