Monday, August 15, 2005

Mga Pagbabalik-tanaw sa Kalakbay / FnQ

Namimiss ko na rin lang ang dating ceycey, edi babalikan ko na lang yung mga pinagsususulat ng ugok na 'yun.




Heto'ng isa sa mga unang sinulat nya para sa FnQ:

SERMON NG SANGGOL
Kahapon nagsimba ako. Sa tabi ko ay may mag-ina; di ko na gaano napuna yung nanay, napukaw na ang atensyon ko sa batang nakatingin sa akin. Nakakatuwa, sapagkat puro gilagid man ang laman ng bibig niya, walang pakialam siyang ngumisi sa aking di man niya kakilala o kaano-ano. Bakit nga ba habang bata ay libre ang ngiti, pero pag tanda, ang saya ay halos tapatan pa ng pera?
Malabo. Malamang alam nating lahat ang sagot, ayaw lang natin aminin. Mas masaya naman talaga ang buhay habang tumatanda ka, kaya lang, mukhang mas mahirap makontento. Andami masyadong problema, karaniwan, higit na madali ang malungkot kesa tumawa. Pero kung gagawin nating rason ang mga problema, edi habang buhay na tayong hindi sasaya. Sa totoo lang, hindi mauubos ang mga problema---may mga panahong magigipit ka sa pera, may eksam ka bukas, minalas ka sa puso, tumaas ang langis, may gera sa Mindanao. Kung iintayin nating maubos ang mga suliranin bago natin pipiliing lumigaya, talagang hindi na natin makakamtan ang saya.
Baka hindi ko man matapos ito. Pwedeng mamaya, makalimutan mo nang huminga. Wala naman talagang nakakaalam kung kelan mailalagay sa marmol don sa may Loyola ang mga pangalan natin. Hindi ako nananakot…kaso, naisip ko lang, ang iksi pala ng buhay, sayang naman kung hindi ko ito masusulit. Ang pangit naman atang malaman natin nang huli na, na hindi pala kaylangan na magsungit noon at mamroblema sa simpleng bagay; na hindi naman pala kailangan makasakit ng kapwa para matapos ang trabaho; na wala palang kwenta ang pagmumukmok at pagmumura nang na-gago ka ng ilang tao. Sino ba namang gustong manghinayang sa huli?
Hindi naman masamang pag-isipan ang mga problema. Natural, hindi naman pinipitas sa puno ng kalachuchi ang mga solusyon o nasasalo mula sa bibig ng kaklase mong humatsing. Ang hirap kasi sa’tin, masyado tayong mahilig magsarili; lahat tayo nagmamarunong at nagpipilit akuin ng mag-isa ang problema…kahit di naman kailangan. Nakalimutan na kasi natin ang isang bagay na marahil alam na alam natin nung tayo ma’y wala pang pakialam sa gilagidin nating mga ngiti— na isang tawag lang pala ang layo natin mula sa solusyon. Baduy na daw yon, sabi ng iba. Wala daw kwenta, para sa ilan. Ewan ko, pero para sa akin, mas madali yatang ngumiti kapag iniisip mong kahit kelan, tutulungan Niya tayo. Kaya pala ang saya ni Neneng Gilagid.

No comments: