Isa pa...
Trivia lang...dapat si pareng Ben magpapalit ng pangalan. Ben Pho sa unang issue, Ben Chinko sa sunod, Ben Sison...
Wala lang. E parang astig na yung ben pho. Di pa obvious kung 'san galing yung pangalan. Kaya ayun. Nagsimula, natapos ang pagsusulat para sa Kalakbay bilang Ben Pho.
===
Hango sa tunay na karanaSAM
Ni: Ben Pho
Mabait, malambing, at cute. Tisoy at balingkinitan ang katawan. Ganito ang pagkakaalala ko kay Sam. Hindi ko na masiguro kung kailan kami unang nagkita, basta ang alam ko, mabilis ko siyang nakapalagayang loob. Dati-rati’y madalas ko siyang nakikita sa tuwing lalabas ako ng bahay at tiyempong mamamasyal din naman siya. Nang mga panahong iyon, maayos pa si Sam.
Isang araw, naiwan yata nila Ate Bing na bukas ang pinto, at dahil dito ay nakaalis si Sam nang di nila namamalayan. Ilang linggo din halos siyang nawala. Inakala ng marami na patay na siya. Nakapangingilabot isipin na maaring ang naging huli niyang hantungan ay isang bandehadong inihain sa hapag-kainan ng mga sunog-baga…..Asusenang Sam.
Nagulat na lang ako nang isang gabing napadaan ako sa harap ng bahay nila Ate Bing. Matapos ang ilang linggong pagkawala, sumulpot muli si Sam. Ibang-iba na ang kanyang itsura---nanlilimahid sa grasa ang kanyang ginagalis katawan, iika-ika ang kanyang paglakad dahil sa napilay na kanang paa, at mistulang nabubulok na ang kanyang kaliwang mata. Umalis siyang isang makisig na Japanese Spitz na maputi at malago ang buhok, may kislap sa mga mata, at may tindig na machong-macho ang dating; at nagbalik na taglay ang kalunos-lunos na anyo. Kung hindi mo siya kilala noon, matatkot ka pa sa kanya. Ngunit pangit man siya at mabaho, pinauwi pa rin siya ni Ate Bing sa kanilang bahay. Sa paglipas ng panahon, nanumbalik ang malago niyang buhok, unti-unti nang umayos ang kanyang paglakad, at tuluyan mang nabulag ang kanyang kaliwang mata, mababakas pa rin ang kislap sa kanyang natitirang kanang mata.
Siguro iniisip ninyo na imbento ko lang ang kwentong ito. Sino ba naman kasi ang magpapapasok sa kanilang bahay ng isang asong tulad ni Sam? Masyado sigurong mahirap isipin na makakayanan pang tanggapin ni Ate Bing ang isang asong bulag, galisin, at pilay. Kung sa bagay……pero di ba mas mahirap isipin na tayo na naglayas ng ilang beses ay tinatanggap pa rin muli?
Ang isang nabulag na mata—mapapantayan pa rin ng paningin ng natitirang isa; ang pilay—nahihilot pa; ang galis—nakukuha sa paligo at gamot; pero ang kasalanan, di yata nakukuha sa hilot o simpleng paligo. Kung naamoy lang at nakikita ang bakas ng mga pagkakasala natin, siguradong mas kalunos-lunos at mabaho pa tayo kay Sam.
Gaya ni Sam, marami sa atin ang pilay; iika-ika at hirap na hirap maglakad papabalik sa Diyos—pero pagdating sa gimik at inuman……HALA! Para bang dinapuan ng milagro at kumakaripas na sa pagtakbo! Napakadali para sa ating magbulag-bulagan sa mga biyaya Niya, paano, para sa atin, hindi ito sapat; pero pagdating sa pamimintas sa kapwa o sa pagtingin ng bagong kaiinggitan sa mga katabi, para bang lumilinaw bigla ang ating mga mata! Kung tutuusin, marami sa atin ang masahol pa kay Sam—hindi lang bulag o pilay; bingi at pipi din. Bingi sa tawag Niya. Pipi pagdating sa pagbibigay-puri sa Kanyang pangalan…..pero tinutubuan ng boses pagdating sa pagbubuhat ng sariling bangko. Si Ate Bing ay isang ordinaryong tao lamang, pero nakuha niyang tanggapin muli si Sam; pano pa kaya kung tayo ang magbalik sa Diyos na Maylikha sa atin? Kahit gaano man kalunos-lunos ang ating anyo, lumapit lang tayo muli, humingi ng tawad sa ating paglayas, at siguradong tatanggapin Niya tayo ng may buong galak at pagmamahal.
Gusto ko sanang itigil na dito ang kwento, pero ang totoo hindi pa dito nagtatapos ang istorya. Sa ngayon, nawawala muli si Sam. Bakit kasi kailangan pa niyang lumayo at magpakahirap, kung pwede naman siyang mamuhay ng masaya sa bahay ni Ate Bing?!? Nanghihinayang ka ba kay Sam? Sa tuwing makakakita ka ng asong ligaw, isipin mo na lang si Sam, at ang istorya niyang walang hapi ending. Alalahanin mo, pareho lang tayo ng kwento--lahat tayo, ay nakararanas ng paglalayas… pero hindi pa tapos ang storya ng buhay natin. Nasa atin na lang kung pipiliin nating manghinayang habang buhay dahil sa sinayang na pagkakataong umuwi muli kay Hesus, o ang bumalik sa landas patungo sa isang hapi ending kasama Niya. Tandaan mo lang: hindi ito kwentong barbero.
Monday, August 15, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment