Owrayt...mag-reminisce. Sarap magsulat uli ng ganito. Pero para saan? Makapag-blog na nga lang...
Malayo pa ang pasko...pero parang kahit di pasko, nag-aapply pa din sa ibang utaw...ako?
======
PasKO o sa mga bata lang ba?
Ni: Ben Pho
“Sa ming bahay, ang aming bati: Meri Christmas na mawalhati, ang pag-ibig ang syang naghari. Araw-araw ay magiging Pasko lagi! Ang samhi po ng pampalito, hihingi po ng aginaldo…...Jingol bells, jingol bells, jingol all da wey! O waspun it is to ride on a wanhors opesley! Hey!”
Kasabay ang kalansing ng mga tansan at ang musika ng isang tambol na gawa sa latang binalutan ng plastic, ang mga kantang tulad nito ay talamak na talamak sa tuwing sasapit na ang pasko. Marami sa atin ang nagdaan na sa mga panahong iyon. Siguradong mas alam na natin ngayon ang tamang liriko ng mga kanta, subalit nakalulungkot isipin na para bang mas naiintindihan pa ng mga batang ito (na mali-mali ang salitang kinakanta) ang diwa ng pasko kay sa sa ating mga “matanda” na. Para sa isang bata, simple lang ang ibig sabihin ng pasko---Bertdey ni Hesus, panahon ng regalo at pagbibigayan, ang pagsasama-sama ng buong pamilya sa kasiyahan at pagmamahalan. Para sa isang matanda, ITO ay panahon para (sa wakas ay) makapagpahinga mula sa trabaho, magbigay ng aginaldo sa mga inaanak, o kaya ay magtago sa mga kinauutangan…at oo nga pala, para ipagdiwang ang kaarawan ni Hesus. Ang dami natin masyadong pinoproblema naduduling na tayo bago pa natin makita ang buong saysay ng Pasko. Dati ay nagtataka ako sa tuwing sinasabi nila na ang pasko ay para sa mga bata. Ngayon, sa kasawiang palad ay alam ko na kung bakit.
Ang hirap pag tumatanda…feeling mo alam mo na ang maraming bagay at wala nang rason pa para maniwala ka sa mga kwentong tila ay “illogical”. Ang hirap nang maniwalang baka sakaling may Santa Claus, baka totoong umiilaw nga ang ilong ni Rudolph, na pwedeng matupad ang hiling mo kapag may shooting star, at pwede ngang mapunuan ang isang matinding puwang ng kalungkutan sa puso ng bawat isa, sa pamamagitan ng pagdating ng isang sanggol--ang tagapagligtas na si Jesus. Kapag matanda ka na, kwentong barbero na lang ang mga ito sa iyo. Sinisisi natin ang pagiging baduy ng pasko sa kawalan ng pera, o sa pagtanggap ng kaunting regalo; ang hindi natin alam ay nagiging malungkot ang panahon dahil nilimot na natin ang tunay na rason ng selebrasyon.
Isinilang ni Maria ang anak ng Diyos, na si Jesus upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Sa dinami-daming beses na natin itong narinig, imposibleng hindi mo pa ito nalalaman; pero sa totoo, pinaniniwalaan mo ba? Aling parte ba talaga ang mas mahirap paniwalaan: kung totoo ngang isinilang ang anak ng Diyos sa sabsaban nang araw ng pasko o ang katotohanang isa ka sa mga rason kung bakit ibinigay ng Diyos ang anak Niya sa mundo? Kung ayaw nating maging baduy ang pasko, bakit di natin balikan ang mga panahong mali-mali din ang ating mga kanta; ang mga paskong inabangan natin si Santa Claus; ang mga Disyembreng nakontento na tayo sa mga simpleng regalo. Kung gusto nating mahanap ang saysay ng Pasko, bakit di natin tanggapin sa ating mga puso ang isang munting regalo—isang sanggol.
Monday, August 15, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment